gusto mo ng kape?

panandaliang init na hinahanap-hanap ng katawan

Erwin Aguila
3 min readNov 15, 2024
Photo by Alesia Kazantceva on Unsplash

Black. White. Americano. Cappuccino. Mainit o malamig. Maulan o maaraw. Anuman ang panahon, masarap magkape.

Para sa karamihan, kape ang sandigan sa umaga—ang nagpapagising, nagbibigay-buhay, o ‘di kaya’y kahit pansamantalang punan ang walang-lamang tiyan.

may kwento akong kasingpait ng kape.

Nagsimula ito noong kolehiyo. Dito ko natutunang uminom ng kape nang dalawa o tatlong beses sa isang araw—sa umaga, hapon, at kung minsan sa gabi kapag kinakailangan. Naging kapareha ko ang kape sa bawat pag-aaral, pagod, at anumang mangyari sa buhay ko. Ito ang naging aking comfort drink, bagay na nagpapainit ng aking puso at diwa. Para bang nananalaytay na sa aking ugat ang kape.

Dalawang taon ang nakalipas.

Hindi ko inasahan na ang kape—ang simpleng inumin na nagpapagising sa diwa—ay magiging daan para makilala ang isang estrangherong nagpalakas ng tibok ng aking puso, bago pa man ako magkape.

May cafeteria malapit sa aming eskwelahan. Dito ako madalas magpunta, sa isang malamig at tahimik na sulok habang nag-aaral. Sa lugar na ito, sari-saring tao ang dumadaan—magkakaibang edad, mukha, at kultura.

Habang ako’y abala sa pagbabasa, may lumapit na estranghero. Kakaiba ang kilos niya—may halong kaba ang bawat hakbang habang hawak ang isang tasa ng kape. Nanginig ang boses niya nang magtanong, "Gusto mo ng kape?"

Napatingin ako sa kanya. Hindi ko siya kilala, hindi ko siya nakikita sa eskwelahan, at hindi ko maintindihan kung bakit tila kinakabahan siya. Ngunit sa halip na magtaka, ang aking puso’y tila nakaramdam ng init na hindi galing sa kape kundi sa isang kakaibang damdamin.

Mula noon, halos araw-araw ko siyang nakikita. Lagi akong bumibili ng kape, na tila bahagi na ng aking araw ang sandaling pagtatagpo. May abutan ng kape, sulyapan sa counter, at mga ngiting mas nagpapasarap sa bawat higop ng kape.

Lumipas ang dalawang taon. Natapos ang aking kurso at natigil ang aming munting kwento—isang kwento na puno ng init at aroma ngunit natapos nang hindi ko man lamang lubos na nakilala ang estranghero.

Minsan naiisip ko, kulang pa yata ang nainom kong kape para mas makilala ko siya. Kulang pa yata ang mga coupon para makabili ng isa pang tasa sa lugar na iyon. Kulang pa ang mga oras ng pag-aaral ko para bumalik sa cafeteria at muling magkaroon ng dahilan para magkape.

Ngunit sa kabila ng lahat, nakilala ko siya—ang mukhang hinahanap ko higit pa sa aroma ng kape, ang amoy na mas mabango kaysa sa nilulutong butil ng kape.

At ngayon, narito ako, muling naghihintay. Naghihintay ng sandaling may magtatanong muli, "Gusto mo ng kape?"

Ngunit ang kape ay hindi lang inumin. Hindi ito paraan upang magpasimula ng isang kwento na walang kasiguraduhan sa katapusan. Iniinom ang kape para sa lasa, para sa aroma, at kung minsan, para sa alaala ng isang kwentong natapos man, ay muling magbabalik sa bawat lagok.

--

--

Erwin Aguila
Erwin Aguila

Written by Erwin Aguila

random writing with a lesson♡

No responses yet